Friday, April 11, 2008

Masarap Mabuhay

Hindi ko mapagtanto kung bakit may mga taong nag-nais/nag-nanais na wakasan ang kanilang buhay. May karapatan ba sila? Hindi ba dapat na itinuturing natin ang ating buhay sa isa sa pinakamahalagang bagay na meron tayo.

Ilang buwan lang ang nakakaraan may isa kaming kaklase noong highschool na nagpakamatay. Nung una, hindi ako makaaniwala sa balitang aking natanggap hanggang sa gabing binisita namin ang kanyang labi sa arlington. Maraming katanungan ang naglaro sa isip ko noong mga panahong iyon. Mga katanungan hindi rin nabigyan ng kasagutan. Hindi ko lubos maiisip na mangyayari ang ganoong bagay. Hindi ko akalain na kaya niyang gawin yon. Kung ano man ang rason hindi na rin ibinahagi sa amin nang kanyang pamilya, na lubos naman naming iginagalang at nauunawaan. Matapos ang pangyayaring yon, inakala ko na magsisilbi itong pamulat sa aming lahat upang mas maging matatatag sa hamon ng buhay.

Ngunit kamakailan lang isa sa pinakamalapit na kaibigan ang nag-nais na wakasan ang kanyang buhay. Nang mga panahong iniisip niya ang ganong bagay, nakuha niya kong kausapin. At lahat ng hinaing sa mundo, ibinato niyang lahat sakin. Sa mga panahong iyon, hindi ko parin lubos na munawaan kung bakit nakukuha niyang isipin ang ganong bagay. Bakit may mga taong nakukuhang sisihin ang mundo at ang diyos nang hindi man lang sinusubukang lumaban?

Siguro nga, may mga pagkakataong malupit ang mundo. Pero hindi ito sapat para panghinaan tayo ng loob at sumuko. Masarap mabuhay, kahit sino atang nilalang sa bingit ng kamatayan nanaisin ang isa pang pagkakataon para mabuhay. Ako, marami pa akong plano, marami pa kong gusto marating, gusto ko pang patuloy naienjoy ang buhay ko. Hindi ko nanaisin kailanman na wakasan ang buhay ko, kahit pa siguro ako na ang pinakakawawang tao sa mundo. Lahat naman ng tao may problema, may kanya-kanyang pagsubok na pinagdadaanan. At naniniwala ako na hindi tayo bibigyan ng diyos ng problemang hindi natin kayang lagpasan. Hahayaan ko na ang diyos ang magpasya kung hanggang kailan lamang ako nararapat magtagal sa mundo. At habang nabubuhay pa ako, pahahalagahan ko kung anong meron ako.

Masarap mabuhay!!! Kailangan lang nating malaman kung paano ito pahalagahan.

No comments:

Post a Comment