Tuesday, February 19, 2008

Tulong!!!

Tumutulong ka ba? Paano? Sabi nila ang pagtulong daw dapat taos sa puso, walang hinihintay na kapalit. Pero paano kung ang tinutulungan mo ay patuloy na umaasa sa tulong na kaya mong ibigay? Nakakatulong ka nga ba? Mahirap tumulong nang walang humpay, dahil lahat nang tao, lahat ng bagay may hangganan. Masarap tumulong sa kapwa, pero higit na mas masarap kung makikita mo ang magandang pagbabago dahil sa tulong mo. Minsan kasi tumutulong tayo pero nagiging rason din iyon para maging sandalan tayo nang mga taong tinutulungan natin. Masakit mang isipin may mga taong aasa na lamang sa tulong na kaya nating ibigay. Hanggang mapagtanto natin na wala palang patutunguhan ang tulong na ibinibigay natin. Saka natin tatanungin ang sarili.. "Tama ba ang ginagawa ko?" "Nakakatulong nga ba ako?"
Mahirap tulungan ang taong ayaw tulungan ang sarili. Madalas ito yung mga taong kulang sa kumpyansa sa sarili. Takot sumugal sa buhay. May mga pagkakataong nagmamarunong, pero ang totoo hindi kayang ipakita ang sariling kahinaan. Hindi kayang tanggapin ang katotohanang mas ninais nilang iasa sa iba ang sariling buhay kaysa sa sariling kakayahan. Nakakalungkot dahil hindi nila matanggap ang sariling sitwasyon na kanilang pinili. Napakaraming pagkakataon ang dumadaan at lumalampas, napakaraming bagay ang nagpapahiwatig at nangungusap pero nagbubulag-bulagan ang iba. Kailan kaya nila matatanggap ang katotohan na ang buhay ay hindi dapat inaasa sa iba. Tayo ang dapat nagpapatakbo na sarili nating buhay upang mas higit itong makabuluhan. Mas masarap harapin ang pang araw-araw na buhay kung alam mong ikaw ay may hawak nito. Nasa sarili nating palad ang ikot nang ating mundo. Tayo ang magdedesisyon kung paano natin ito patatakbuhin.

No comments:

Post a Comment